Sa aking magandang mahal na guro, magandang umaga. At sa aking
mga masasayahin at kooperatibong mga kaklase, naway sa maikling sandali ay hayaan ninyong hiramin ko ang inyong mga taynga.
Ako ay sadyang may isang
katanungan sa aking isip, sa tingin niyo, ano ang pinakamalalang problema ng
ating lipunan sa ngayon? Pagnanakaw? Korupsyon? Pagbebenta ng droga? O
kahirapan? Sa aking matagal at masinsinang pagninilay-nilay, aking napagtanto
na lahat ng mga problemang aking nabanggit kanina ay resulta ng kahirapan?
Tama. Isa sa pinakamalaking kinakaharap na problema ng ating bansa ay ang
kahirapan.
Dahil sa kahirapan, maraming tao
ang nakakagawa ng kasalanan, dala ng kanilang kakulangan sa pera, ay
napipilitan silang gawin ang mga bagay na hindi kanais-nais. Dahil doon,
patuloy na dumarami ang bilang ng krimen sa ating bansa. Tayong mga Pilipino ay
nahaharap ngayon sa isang matinding krisis. Namumuhay tayo ng salat sa mga
pangunahing pangangailangan upang tayo ay mamuhay ng matiwasay. Taon-taon ay
mas lumalala pa ang problema ng ating bansa na hindi masolusyunan dala ng
kahirapan.
Isa sa pangunahing dahilan nito ay
ang mga korap na opisyal ng gobyerno. Ninanakaw nila ang ang kaban o pondo ng
ating bansa na para sana sa ikauunlad ng mamamayang Pilipino, ngunit napupunta
sa sariling bulsa ng mga opisyales, kung kaya naman mas ramdam natin ang
krisis. Isa pang dahilan ang kawalan ng mapapasukang trabaho ng mga tao kasabay
ng sunod sunod na pagtaas ng bilihin. Paano tayo makararanas ng isang matiwasay
na pamumuhay kung ang mga pangunahing pangangailangan pa nga lang ay hindi na
natin kayang tustusan?
Isa pang dahilang ng kahirapan ay
ang katamaran at maling pag uugali nating mga Pilipino. Ang katamaran ang
nagunguna sa mga dahilan ng paghihirap ng mga tao. Wala silang tiyaga na
maghanap ng mga posibleng paraan kung paano nila iaangat ang buhay nila sa
kahirapan na kanilang tinatamasa. Ang mga oportunidad ay nababalewala dahil ang
mga tao ay nakukuntento na sa salat nilang pamumuhay.
Ang mga nasabing halimbawa ay ilan
lamang sa mga kaisipan na maaari kong ibahagi sa inyo. Ilan lang ang mga ito sa
mga pangunahing dahilan ng paglaganap ng kahirapan sa ating bansa.
Mamarapatin pa ba natin ang mamuhay
ng salat? Bakit nga ba hindi tayo makaahon sa kahirapan? Kailan pa tayo kikilos
upang magbago ang takbo ng ating buhay?
Ako bilang isang kabataan, ay may
layunin akong gawin ang aking makakaya para hindi maging isang mahirap at hindi
maituring na isang basura lamang sa
aking lipunan. Sa simpleng pamamaraan,
ako’y magsisikap makapagtapos ng pag-aaral
nang sa gayon ay magkaroon ng magandang kinabukasan. Hindi lamang ako
kundi pati ikaw, tayong lahat ay kinakailangan ng pagkakaisa tungo sa kaunlaran.
Lahat tayo ay may magagawa para sa kinabukasan ng ating bayan, isang bansa na
magagamit,maipagmamalaki at higit sa lahat ay maipapamana sa susunod pang
henerasyon.
Ano pa nga bang hinihintay natin?
Ang patuloy pang lumala ang kahirapan na ating natatamasa? Bakit hindi tayo
kumilos? Magsikap tayo habang maaga pa upang umunlad ang ating buhay!